HPCMU News Release No. 165
November 22, 2021
Pormal ng inilunsad ang pagbibigay ng booster doses para sa mga A2 Priority Group o mga Senior citizens sa isinagawang Ceremonial Vaccination sa East Avenue Medical Center (EAMC), Quezon City nitong ika-22 ng Nobyembre, 2021.
Sa pagsisimula ng programa, inihayag ni EAMC Medical Center Chief, Dr. Alfonso G. Nuñez III na isang malaking karangalan sa kanilang hospital na gamitin para sa makasaysayang pagbabakuna ng booster shot sa mga Senior citizens.
Kaniya ring sinaad na malaking porsyento ng pumapanaw sa bansa dahil sa COVID-19 ay ang mga senior citizens, lalo na ang mga may karamdaman. Kung kaya’t ang karagdagang proteksyon ay mahalagang maibigay sa kanila.
Kinumpara naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang Metro Manila sa mga kapital ng ibang bansa, kung saan ito umano ay napapabilang sa mga may pinakamataas na bilang ng mga bakunadong mamamayan.
Sa kabilang banda, nabigyang pansin ni COVID-19 Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang kagalakan ng mga taong nabibigyan ng booster doses o karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Dagdag pa nito na maganda na ang kasalukuyang estado ng bansa batay sa bumababang kaso ng COVID-19 gayunman dapat parin aniyang maging alerto ang publiko at panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards.
Nagbigay naman ng pagpupugay sa mga Healthcare Workers at mamamahayag si Health Secretary Francisco T. Duque III dahil sa papel na ginagampanan ng mga ito sa paglaban sa COVID-19 at pagpapalaganap ng tamang impormasyon.
Aniya, “This a whole-of-government, whole-of-society and whole-of-systems approach, at bandang huli ang pagwawagi ng ating digmaan sa COVID-19 ay nakasalalay sa bawat isa sa atin.”
Pinangunahan rin ni Secretary Duque ang matagumpay na ceremonial booster vaccination sa tatlong senior citizen, kabilang ang Chairperson ng Vaccine Expert Panel na si Dr. Nina Gloriani, Executive Director ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST – PCHRD) na si Dr. Jaime Montoya at si Bb. Delailah Apante, na isang kawani ng EAMC.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng DOH – NCR, nasa 952,735 na ang fully vaccinated na Senior Citizen sa Metro Manila at patuloy na hinihikayat ang ilan pang natitirang mga katandaan na hindi pa nakakakuha ng first or second dose.