LATEST NEWS

LUNGSOD NG MANDALUYONG, NAGPASALAMAT SA MGA COVID-19 VACCINATION PROGRAM PARTNERS

 

HPCMU News Release No. 164
November 22, 2021

Nagbigay pugay ang Lungsod ng Mandaluyong sa mga organisasyong katuwang nito sa pagbabakuna laban sa COVID-19, sa isang flag ceremony sa kanilang munisipyo na ginanap nitong ika-22 ng Nobyembre, 2021.

Ginawad ni Mandaluyong Mayor Carmelita “Menchie” Abalos ang mga parangal sa kanilang mga Vaccination Program partners kabilang na dito ang Dep-Ed Mandaluyong, La Salle Greenhills, Jose Rizal University, at Rizal Technological University.

Pinasalamatan din nito ang mga mall na walang sawang nakikipagtulungan at nagbabahagi ng kanilang mga pasilidad bilang vaccination sites gaya ng Starmall, Robinsons Forum, Shangri-La Plaza Corporation at SM Megamall.

Samantala, ginawaran din ng parangal ng pasasalamat ang Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH – MMCHD) at ang Regional Director nito na si Dr. Gloria J. Balboa para sa walang humpay na pagsuporta nito sa pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga Mandaleño.

Sa maiksi nitong mensahe, hinikayat ni Director Balboa ang pamahalaan at mamamayan ng Mandaluyong na ipagpatuloy lamang ang pagpapaigting ng pangkalusugang proteksiyon.

Sa huli, kinilala rin ni Director Balboa ang Lungsod ng Mandaluyong na isa sa mga lungsod na naunang napagtagumpayan na maabot ang target sa pagbabakuna laban sa COVID-19. Sa pagtatapos, nagpahayag ito ng kasiyahan sa magandang kooperasyon at nagpasalamat din sa karangalang nakamit.