HPCMU News Release No.163
November 18, 2021
Pormal nang sinimulan ng Department of Health (DOH) ang pagtuturok ng booster shots sa mga healthcare workers sa bansa kahapon, araw ng Miyerkules, Nobyembre 17, 2021.
Ito ay matapos na gawaran ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) ang ilang brand ng bakuna para gamitin sa booster jab.
Sa isinagawang Ceremonial Booster Vaccination sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na tinatayang nasa 1.7 million ang bilang ng mga healthcare workers sa bansa na target mabakunahan at mabigyan ng karagdagang proteksyon.
Paliwanag nito, ang mga healthcare workers kasi ang una sa linya ng depensa ng bansa sa paglaban sa COVID-19.
Inanunsyo naman nito na batay sa Department Circular 2021-0484 o Interim Operational Guidelines on the Administration of COVID-19 Vaccine Booster Doses to Priority Group A1: Essential Workers in Frontline Health Services, ay pinapayagang makapili ang mga healthcare workers ng brand ng bakunang ituturok sa mga ito.
Ayon naman kay National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., mayroong 128.4 milyong bakuna ang bansa at sasapat umano ito para sa booster shot ng mga healthcare workers.
Naniniwala naman si NKTI Executive Director Rose Marie Liquete na napapanahon na para mabakunahan ng booster shot ang mga healthcare workers dahil mayorya sa mga ito ay nasa mahigit 6 buwan na mula nang makumpleto ang 2 dose ng bakuna.
Samantala, target naman aniya ng NKTI na mabakunahan ang nasa 250 hanggang 300 sa kanilang higit 2,000 health workers sa unang araw ng pagbabakuna ng booster shot.
Kabilang rin sa dumalo sa Ceremonial Booster Vaccination ay sina Usec Leopoldo J. Vega, Chief of Staff ng Office of the Health Secretary, Asec Elmer G. Punzalan, Field Implementation and Coordination Team ng Metro Manila at North Luzon, Metro Manila Center for Development Regional Director Gloria J. Balboa at NTF Adviser Dr. Maria Paz P. Corrales.