HPCMU News Release No.162
November 11, 2021
Sa isang Memorandum of Agreement (MOA) Signing na ginanap ngayong araw ng Huwebes, Nobyembre 11, 2021, nagkaisa ang Rotary Club Manila Foundation Inc. (RCMFI), Rotary Club of Manila (RCM), Philippine Dental Association (PDA), at Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa suportang medikal at dagdag pwersa sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur C. Abalos Jr., mabigat ang pangangailangan ng manpower para sa pagbabakuna sa Metro Manila at sa mga kalapit na probinsya.
Aniya, nasa halos 90% na ng eligible population ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at asahan rin umanong magtuluy-tuloy ang pagbabakuna sa mga bata hindi lamang para sa COVID-19 vaccine kundi maging sa Routine and Catch-Up Immunization at bakuna laban sa Measles, Rubella, Tethanus at Diptheria (MR-TD).
Dagdag pa ni Chairman Abalos, para paigtingin ang pagbabakuna ng gobyerno isasailalim na sa training ang mga boluntaryo mula sa RCM at PDA upang madagdagan ang pwersa sa pagbabakuna at maabot ang population protection sa lalong madaling panahon.
Saad naman ni Chairman Herminio S. Esgurra ng RCMFI, na kabilang din sa nasabing kasunduan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) upang matulungan ring mapataas ang bilang ng nababakunahan sa mga kalapit na probinsya gaya ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna gayung ang kalusugan at proteksyon umano ay walang hangganan at kailangang maipaabot kahit sa ibang rehiyon.
Dumalo rin sa nasabing MOA signing si Regional Director Gloria J. Balboa ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) na siyang nakipagtulungan sa Professional Regulation Commission (PRC) upang mapayagan ang mga dentista na magbakuna.
Iginiit naman ni Director Balboa, na ang pagtitipon-tipon ngayong araw ng iba’t ibang organisasyon ay nagpapatunay ng pagtutulungan ng iisang bansa laban sa pandemya.
Sa huli, nagpaabot naman ng pasasalamat ang Project Chairman ng “We Vax as One” na si Reginald T. Yu at Co-Chairman Rotarian Antonilo Mauricio, sa lahat ng dumalo at sumusupota sa proyektong ito ng gobyerno na naglalayong mabakunahan ang maraming Pilipino at makapagbigay ng karagdagang proteksyon laban sa kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Samantala, nangako rin ng suporta sa pagbabakuna laban sa COVID-19 sa ilalim ng kampanyang “We Vax as One” si Dr. Mari Jennifer Yalung ng PDA gayundin ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at National Task Force (NTF) Against COVID-19.