HPCMU News Release No.158
November 3, 2021
Nakiisa sina Dr. Emmanuel Tiongson, Executive Assistant ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Elmer Punzalan at Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Assistant Regional Director Aleli Sudiacal sa isinagawang Ceremonial Vaccination ng general pediatric sector sa SM Sucat, Paranaque City, ngayong araw ng Miyerkules, November 3, 2021.
Kabilang rin sa mga dumalo ay sina National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., NTF Adviser Dr. Maria Paz Corrales, Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, Cong. Eric Olivarez at City Health Officer Dr. Olga Virtusio.
Sa pagsisimula ng programa, agad na binati ni Dr. Virtusio ang mga opisyal na dumalo sa seremonya at nagpasalamat sa walang sawang pagsuporta ng mga ito sa paglaban ng lungsod ng Paranaque kontra COVID-19 pandemic.
Sa mensahe namang ipinabatid ni Mayor Olivarez, pormal nitong inanunsyo ang pagbabakuna ng lungsod sa general pediatric population sa apat na malalaking vaccination sites na kinabibilangan ng SM Sucat, SM BF, Ayala
Mall – Manila Bay, at Nayong Pilipino.
Itinuturing naman ni Secretary Galvez na milestone ang araw na ito dahil sa pagsisimula ng nationwide rollout ng pagbabakuna para sa mga bata na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Aniya, hindi lang dapat pinoprotektahan ang ating buhay at ekonomiya kundi dapat ring pinoprotektahan ang ating kinabukasan at ito ay sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga kabataan.
Samantala, inanunsyo rin nito na oras na maaprubahan na ang Emergency Use Authorization (EUA) Amendment ang mga bakuna sa bansa ay maaari nang simulan ang pagtuturok ng booster shot sa bansa ngayon buwan ng Nobyembre.