LATEST NEWS

PAGBABAKUNA PARA SA MGA KOLEHIYONG ATLETA, PUMADYAK NA!

HPCMU News Release No. 157

October 29, 2021

Nakiisa ang Department of Health (DOH) sa inilunsad na Vaccination Program para sa mga kolehiyong atleta sa Jose Rizal University (JRU) nitong ika-28 ng Oktubre, 2021.

Inaasam ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) at Commission on Higher Education (CHED) na buksan ang Season 97 ng Collegiate Sports sa susunod na taon at ibalik ang face-to-face competitions sa mga piling laro, kung kaya’t bibilisan ang pagbabakuna sa mga kolehiyong atleta, sa pakikipagtulungan ng DOH at National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Sa mga mensahe nina Dr. Vicente K. Fabella, Presidente ng Jose Rizal University, at Mr. Jimmy Isidro, kinatawan ng Mandaluyong Mayor’s Office, kanilang malugod na binuksan ang JRU at Mandaluyong sa mas mapaigting ang pagbabakuna laban COVID-19.

Ibinahagi nman ni Atty. Cinderella Benitez-Jaro ng CHED na ang Ceremonial Vaccination ay hudyat ng pagsulong ng pagbabakuna sa paaralang tersiyaryo at magiging pundasyon ng dahan-dahang pagbabalik ng face-to-face classes at sports competitions.

Samantala, sinabi ni Chairman Prospero De Vera III ng CHED na sinisiyasat na ang pagbuo ng isang priority group category para sa estudyante dahil mayroon nang sapat na supply ng bakuna sa Metro Manila. Aniya pa, “You are asking the wrong question [will you require mandatory vaccination?”, this assumes that there is vaccine hesitancy. On the ground, I have not seen vaccine hesitancy in schools. In fact, in all the schools I went to, the number of students who signed is always more than the vaccines for that day.”

Naniniwala naman si Chairman De Vera na mas magiging madali na ang pagbabakuna sa mga paaralan gayung handa na naman ang listahan ng mga estudyanteng babakunahan maging ang proseso ng pagbabakuna.

Nagpaabot naman ng mga pagbati sa pamamagitan ng recorded video ang ilan pang mga opisyal ng gobyerno na sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Presidential Adviser on the Peace Process and NTF against COVID-19, Sec. Carlito Galvez, Jr., Senator Sherwin Gatchalian, Senator Christopher “Bong” Go, DOH Secretary Francisco T. Duque III at World Health Organization Philippine Representative, Dr. Rabindra Abeyasinghe.

Pisikal namang dumalo sa programa sina DOH Assistant Secretary Elmer Punzalan, DOH – Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa, Presidente ng Policy Board ng NCAA Season 97 na si Bro. Edmundo Fernandez at mga kinatawan ng NCAA.

Sa huli, nagpasalamat naman ang Presidente ng NCAA Management Committee na si Mr. Manuel Castellano dahil sa matagumpay na pagbabakuna sa mga atleta.