HPCMU News Release No.156
October 27, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Raine Musngi sa programang Dateline Philippines ng ANC kay Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH – MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang phase 2 ng pagbabakuna sa mga batang nasa edad 12 – 17 taong gulang na may co-morbidities sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Director Balboa, naging matagumpay ang pagsisimula ng ikalawang bugso ng pagbabakuna sa 25 ospital sa NCR nakaraang Biyernes, Oktubre 22, 2021.
Ipinaliwanag nito na sa ospital piniling bakunahan ang mga batang may co-morbidities upang agad na mabigyan ng aksyon at lunas ng mga pediatrician ang mga batang makakaramdam ng side effects matapos bakunahan.
Tinitiyak naman aniya ng DOH na ligtas ang mga batang magpapabakuna sa mga ospital gayung hiwalay ang pagbabakuna sa mga taong may sakit na nasa ospital.
Lumalabas aniya sa datos ng DOH na nasa 2,746 ang bilang ng mga batang nasa edad 12 – 17 taong gulang na may co-morbidities ang nabakunahan sa unang araw pa lamang ng phase 2 pediatric vaccination at umakyat na sa 8,523 ang kabuuang bilang ng batang nabakunahan para sa phase 1 at 2 hanggang nitong Oktubre 23, 2021.
Ang matagumpay na phase 1 at 2 pediatric vaccinations ay hudyat aniya sa posibleng pagbubukas ng pagbabakuna sa mga batang nasa edad 12 – 17 taong gulang na may co-morbidities sa ibang rehiyon sa Oktubre 29, 2021.
Gaya ng sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. tiniyak rin ni Director Balboa na sapat ang supply ng Pfizer vaccines na ituturok sa mga bata.
Samantala, naniniwala naman si Director Balboa na maaabot ng NCR ang herd immunity bago matapos ang buwan ng Nobyembre.