News Release No. 155
October 25, 2021
Ibinahagi ni Regional Director Gloria J. Balboa ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang mga detalye ng Community-Based Routine and Catch-Up Immunization at COVID-19 Pediatric Vaccination para sa mga batang may co-morbidities, sa programang Caritas News on the Go nitong nakaraang Biyernes, ika-22 ng Oktubre, 2021.
Ayon kay Director Balboa, ang Community-Based Routine Immunization ay laban sa Measles Rubella, Tetanus Diphtheria (MR-TD) na binibigay sa mga batang 6-7 at 12-13 taong gulang at Catch-Up Immunization naman para sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang na naglalayong labanan ang mga nabanggit na sakit, pati na rin ang iba pang Vaccine Preventable Diseases o VPDs.
Sa panayam, kaniyang diniin na sa paghinto ng face-to-face classes at sa pagsara ng mga gusali ng mga paaralan, nawalan ng paraan ang mga bata na makakuha ng imunisasyon, kung kaya’t ang dating school-based approach ay gagawing community-based, at sunod-sunod na isasagawa sa loob ng 15-araw mula noong ika-13 ng Oktubre, bilang stratehiya sa National Capitol Region (NCR).
Aniya, ilan pa sa mga dahilan na bumagal ang progreso ng bansa sa routine immunization ay ang pagbibigay ng atensyon laban sa pandemya dala ng COVID-19 at ang pag-aalala ng mga magulang na palabasin ang kanilang mga anak.
Inulat nito na para sa Catch-Up Immunization, nasa 177,636 ang bilang ng sanggol na kailangang mabakunahan at para sa school-age children naman kontra MR-TD ay nasa bilang na 603,963.
Binigyang linaw rin ni Director Balboa ang COVID-19 vaccination para sa mga batang edad 12-17 na may co-morbidities, na sinimulan naman nitong ika-15 ng Oktubre. Ito ay inumpisahan sa mga batang pasyente ng walong ospital sa NCR at karaniwang umuusad na para sa ibang mga bata na may karamdaman at pinapupunta sa mga naatasang ospital para sa pediatric vaccination sa bawat Local Government Unit (LGU).
Pinaalala nito ang mga kailangan dalhin ng mga magulang sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak, tulad ng medical certificate at identification card, at ang mga sasagutan sa lugar ng pagbabakunahan gaya ng Consent Form at Assent Form.
Dagdag pa nito, gagamitin ang mga bakuna na may Emergency Use Authorization (EUA) para sa pediatric vaccination, una na rito ang Pfizer.
Inilahad din nito na maaaring magtanong sa nalalapit na Health Centers para sa iskedyul at karagdagang impormasyon tulad ng kabuuang listahan ng mga natukoy na comorbidities ng mga batang babakunahan. Sinisiguro ang kaayusan at kaligtasan sa pagpunta sa mga Health Center sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Sa huli, inanyayahan ni Director Balboa ang mga magulang na magtanong sa mga eksperto, magtungo sa tamang Health Facility at huwag matakot pabakunahan ang mga anak dahil ang lahat ng ito ay para sa kanilang proteksyon at kaligtasan.