LATEST NEWS

IKALAWANG BUGSO NG PAGBABAKUNA SA MGA BATA NA MAY CO-MORBIDITIES AT NASA EDAD 12 – 17 TAONG GULANG SA NATIONAL CAPITAL REGION, TINALAKAY SA PANAYAM NG RADYO PILIPINAS KAY DOH-MMCHD REGIONAL DIRECTOR GLORIA J. BALBOA

HPCMU News Release No. 154

October 26, 2021

Tinalakay sa panayam ni Mr. Alvin Baltazar sa COVID-19 special coverage ng Radyo Pilipinas kay Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang pag-arangkada ng ikalawang bugso ng pagbabakuna sa mga bata na may co-morbidities at nasa edad 12 – 17 taong gulang sa Metro Manila nakaraang Biyernes, Oktubre 22, 2021.

Ayon kay Director Balboa, naging matagumpay ang phase 2 ng pediatric vaccination sa 25 ospital sa Metro Manila at walang naging problema sa pakikiisa ng mga magulang at mga bata.

Sa unang araw palang aniya ng pediatric vaccination ay umabot na sa 2,746 ang bilang ng mga nabakunahang bata sa National Capital Region (NCR) dahil dito nasa 8,523 na ang bilang ng mga batang may co-morbidities na nabakunahan para sa phase 1 at 2 hanggang nitong Oktubre 23, 2021.

Dagdag pa ni Director Balboa, bubuksan narin ang pagbabakuna sa mga bata na nasa edad 12 – 17 taong gulang sa ibang rehiyon sa darating na Oktubre 29, 2021 upang mas maraming kabataan ang mabakunahan.

Inaabisuhan naman ni Director Balboa na handa ang DOH na inspeksyunin ang iba pang mga ospital na nais ring magbakuna sa mga kabataan.

Samantala, nilinaw naman ni Director Balboa na bagaman may kakayahang bumili ng bakuna na maaring gamitin sa booster shot ang pribadong sector ay mas mainam na antayin ang opisyal na anunsyo at panuntunn ng gobyerno upang hindi magkaroon ng kalituhan at sabay-sabay na lamang itong buksan sa publiko.