LATEST NEWS

DOH-MMCHD IPINAGDIWANG ANG 34TH ANNIVERSARY NOONG IKA-15 NG OKTUBRE, 2021

HPCMU News Release No. 153

October 18, 2021

Ipinagdiriwang ng mga kawani ng Department of Health –Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang ika-34 na anibersaryo ng tanggapan nitong ika-15 ng Oktubre, 2021. Ito ay may temang “34 Years na Kami, Pandemya o Hindi, Kami Inyong KaKAMPI!”

Sinimulan ang selebrasyon sa papamagitan ng isang misa upang ipagpasalamat ang panibagong taon ng DOH-MMCHD, at sinundan ng isang Zumba session, kung saan ay sumayaw at sabay-sabay na nag-ehersisyo ang mga kawani nang may physical distancing sa kani-kanilang opisina.

Sa naging mensahe ni Regional Director Gloria J. Balboa, malugod nitong binati ang tanggapan sa lahat ng narating nito. Kaniya ring kinilala ang kakayahan ng mga kawani at ipinabatid na sa galing ng mga ito ay higit na malayo pa ang mararating ng tanggapan sa misyon nitong magbigay serbisyo sa publiko.

Dumalo at naging bahagi ng programa ang dating Regional Director ng MMCHD na si Dr. Teodoro Herbosa, na Consultant ng COVID-19 Inter-Agency Task Force at ngayon ay bahagi na ng Board of Directors ng Philhealth.

Bilang mahalagang bahagi ng programa, binigyang karangalan ang mga kawani na umabot ng 30 taon sa serbisyo. Sila ay ginawaran ng sertipiko at lubos na pinasalamatan para sa kanilang hindi mabilang na kontribusyon sa ahensya.

Isa sa mga pinaka inabangan sa programa ng anibersaryo ay ang Kampi Tiktok Challenge contest, kung saan ang mga cluster o dibisyon ay inanyayahang lumikha ng video nang sayaw, na naglalayon ring hikayatin ang publiko na magpabakuna. Nanalo ng unang karangalan ang dibisyon ng Regulations, Licensing, and Enforcement Division (RLED), pangalawang karangalan para sa Local Health Support Division (LHSD), at ikatlong karangalan naman para sa Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESU).

Nagdaos rin ng isang katuwaang Retro Fashion Contest kung saan ay rumampa ang mga kinatawan mula sa mga cluster nang may kasuotan mula noong dekada 70s. Nanalo rito ang kinatawan mula sa Regional Director’s Office (RDO) na si Bb. Catherine Trinidad at ang kinatawan mula sa Medical Social Services Division (MSSD) na si Isaiah Danielle Marfori.

Sa huli, pinasalamatan ni Assistant Regional Director Aleli P. Sudiacal ang lahat ng bumuo ng programa, gayundin kina Dr. Karen Fernandez at G. Romeo Apuli Jr. ng LHSD na siyang nanguna at bumuhay sa selebrasyon.