LATEST NEWS

KAMPANYA PARA SA COMMUNITY-BASED ROUTINE AND CATCH-UP IMMUNIZATION KONTRA MEASLES RUBELLA AT TETHANUS DIPTHERIA, INILUNSAD NG DEPARTMENT OF HEALTH

HPCMU News Release No. 152

October 18, 2021

Inilunsad ng Department of Health (DOH), kasama ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG), World Health Organization (WHO) Philippines at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang Community-Based Routine and Catch-Up Immunization Campaign sa isang Kick-Off Activity nitong Miyerkules, ika-13 ng Oktubre, 2021 sa Caloocan Central Elementary School.

Alinsunod sa tema ng kampanya na “Bakuna Pagtibayin, Proteksyon Paigtingin” naglalayon itong ilapit ang imunisasyon laban Measles Rubella Tetanus Diphtheria (MR-Td) sa mga bata edad 0-23 months, 6-7 at 12-13 years old, sa pamamagitan ng pagbubukas ng bakunahan sa mga malalapit na health centers sa mga barangay.

Dumalo sa nasabing Kick-Off Activity sina MMDA Chairman Benhur Abalos Jr., DOH Assistant Secretary Dr. Elmer G. Punzalan, WHO Philippine Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, UNICEF Philippine Representative Dr. Marielle Sugue-Castillo, Disease Prevention and Control Bureau (DPCB) at Health Promotion Bureau (HPB) Director Dr. Beverly Ho, DOH – National Capital Region (DOH-NCR) Regional Director Gloria J. Balboa, Caloocan City Health Officer Dr. Evelyn Ong-Cuevas, at Mayor’s Representative na si Atty. Jearemmy Rosario-Guinto.

Ayon sa DOH, simula nang maranasan ng bansa ang pandemya noong nakaraang taon, malaking porsyento ang kinakailangang habulin sa pagbabakuna ng mga bata laban sa mga Vaccine Preventable Diseases (VPDs). Kaya sa pamamagitan ng kampanyang ito, ang dating school-based routine immunization ay gagawin nang community-based.

Sinabi naman ni Dr. Rabindra Abeyasinghe ng WHO na ang VPDs ay kailangan pagtuunan ng pansin. Aniya pa, “We have to live with COVID-19 and so it becomes imperative that they find ways to bring back routine health services because if we do not do so, the consequences could be catastrophic, particularly the Vaccine Preventable Diseases.”

Dagdag pa ni MMDA Chairman Benhur Abalos, ang kabuuang target sa routine immunization ay nasa 95%, at 24.5% pa lamang ang karaniwang naaabot sa dapat na 47.5% nitong second quarter ng taon. Sinabi naman niya na dahil mataas na ang porsyento ang ating naaabot laban COVID-19, ito ay magbibigay oras, spasyo at manpower upang tayo ay magbigay prayoridad sa bakuna ng mga bata kontra MR-Td.

Pinaalala naman ni Dr. Beverly Ho, Director ng DPCB at HPB na nagsimula ang measles outbreak noong nakalipas na dalawang taon nang mapuno ang mga ospital ng mga batang hindi nabakunahan, kaya naman hinihikayat nito ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Sa huli, iginiit ni DOH-NCR Regional Director Gloria Balboa ang kahalagahan ng inisyatibo na ito upang hindi na magkaroon ng ibang epidemya sa bansa kasabay ng pandemyang COVID-19. Inanunsyo rin nito na magtutuloy-tuloy ang routine immunization sa loob ng labinlimang araw kasabay ang COVID-19 vaccination para sa mga bata na may comorbidity.

Samantala, hinikayat rin ni Director Balboa ang mga ahensya, LGUs, media, lalo na ang mga magulang at kanilang mga anak na magtulong-tulong para matagumpayan ang kampanya kontra MR-Td.