HPCMU News Release No 147
October 11, 2021
Binigyang linaw ni Dr. Manuel “Manny” Mapue II, Head ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa programang Caritas News on the Go kasama si Ms. Jing Rey Henderson ang pagpopositibo sa COVID-19 kahit bakunado na.
Ayon kay Dr. Manny, ang pagbabakuna ay hindi garantiya na hindi na magkakaroon ng COVID-19 ang isang inibidwal bagkus ito’y nagbibigay proteksyon upang hindi lumubha ang posibleng karamdaman dulot ng COVID-19 at mas mapababa ang tiyansa na mahawaan ng virus.
Lumalabas aniya sa datos ng kagawaran noong Setyembre 30, 2021 na nasa halos 2,500 na ang bilang ng mga Pilipinong nakatanggap ng unang dose ng bakuna at nagpositibo sa COVID-19 habang nasa 9,000 naman ang bilang ng mga nagpositibo kahit nakumpleto na ang dalawang bakuna.
Nagpapatunay lang aniya ito na bagamat kumpleto na ang pagbabakuna ay kinakailangan parin mag-ingat ng bawat isa at panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards gaya na lamang ng pagsusuot ng face mask, face shield, palagiang paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa matataong lugar at pag-obserba ng physical distancing.
Sa huli, pinapayuhan ni Dr. Manny ang publiko na huwag matakot magpabakuna at laging isipin na kinakailangan tayo ng ating mga pamilya.