HPCMU News Release No.146
October 11, 2021
Nkiisa sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Usec Roger Tong-an, Asec Elmer Punzalan, at Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa isinagawang Inauguration ng WES (Wellness Entertainment Sports) Arena Mega Vaccination Hub at Launching ng ika-142 na Malasakit Center sa Valenzuela City, noong October 7, 2021.
Kabilang rin sa mga dumalo ay sina Presidential Spokesperson Harry Roque, National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, Metropolita Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, Department of Public Works and Highways (DPWH) Former Secretary Mark Villar, Senator Sherwin Gatchalian, Valenzuela City Mayor Rexlon “Rex” Gatchalian at Deputy Speaker on Trade and Industry Weslie “Wes” Gatchalian.
Matapos ang Ribbon Cutting Ceremony, agad na binati at pinasalamatan ni Mayor Rex Gatchalian ang Inter Agency Task Force (IATF) sa patuloy na pag-agapay sa lungsod kung kaya’t nangako rin ito na katuwang ng gobyerno ang Valenzuela sa mithiing mabakunahan ang bawat Pilipino.
Ikinagalak din ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang patuloy na kooperasyon ng mga gabinete at naniniwalang ito ang susi upang magtagumpay ang bansa laban sa COVID-19 pandemic.
Sinaluduhan naman ni Sec. Galvez ang pamilya Gatchalian para sa pagbibigay serbisyo publiko hindi lamang sa mga taga-Valenzuela kundi sa mamamayang Pilipino. Umaasa ito na magsisilbing inspirasyon ang Valenzuela sa iba pang mga lungsod upang mas marami pang buhay ang mailigtas at tuluyang maibalik ang sigla ng ekonomiya sa bansa.
Ayon kay Chairman Abalos, sa tagal nitong naninilbihan sa Metro Manila, isa ang WES Arena na ginawang Mega Vaccination Hub sa pinaka magandang proyekto na ipinatayo na angkop sa pangangailangan ng taumbayan lalo na ngayong pandemya.
Pinasalamatan naman ni Sec. Villar ang pagbibigay ng tulong ng national at local officials sa bansa lalo na sa mga miyembro ng DPWH dahil hindi magiging matagumpay ang pagtatayo ng WES Arena kung hindi dahil sa tulong ng mga ito, gayundin sa mga miyembro ng DPWH na walang humpay sa pagtatayo ng COVID-19 facilities sa bansa.
Iginiit naman ni Sec. Duque na ang lahat ng bakuna na inangkat ng gobyerno ay tunay na epektibo laban sa severe at critical COVID-19 infection, kaya naman hinihikayat nito ang lahat na magpabakuna na lalo na ang mga matatanda upang maiwasan ang posibleng pagpapa-ospital at paghantong sa kamatayan dahil sa COVID-19.
Nanawagan naman si Senador Go sa lahat na magtulungan, magmalasakit at magbayanihan lalo na ngayong panahon ng pandemya. Minsan lang aniya dadaan ang bawat isa sa mundong ito kung kaya’t gumawa ng kabutihan at tulong sa kapwa tao dahil ang pagseserbisyo sa tao ay pagseserbisyo sa Panginoon.
Sa huli ng programa, nagpasalamat naman si Cong. Wes Gatchalian sa lahat ng dumalo at sinabing ang pagconvert sa WES Arena na maging Mega Vaccination Hub ay naglalayong mapabilis ang pagbabakuna kontra COVID-19 upang maabot na ang herd immunity bago magpasko. Nangako rin ito na buo ang suporta ng pamilya Gatchalian kapag buhay na ng tao ang nakasalalay.
Samantala, nakiisa rin ang DOH sa launching ng ika-134 na Malasakit Center sa Valenzuela Medical Center (VMC) kung saan mainit naman itong tinanggap ni Dr. Maria Estrella B. Litam, Medical Center Chief II at Dr. Leah B. Gato, Medical Specialist IV, Head ng Out-Patient ng VMC.