HPCMU News Release No. 145
October 11, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News on the Go kay Ms. Claire Alincastre, Newborn Screening Coordinator ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pag-gunita ng Newborn Screening Week tuwing unang linggo sa buwan ng Oktubre.
Ayon kay Ms. Alincastre, ang pag-gunita ng Newborn Screening Week ay naglalayong itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan nito.
Ang Newborn Screening aniya ay isang procedure na isinasagawa pagkaraan ng 24 oras matapos ipanganak ang sanggol upang maagang ma-detect at mabigyan agad ng lunas ang mga sakit na posibleng makita sa mga ito gaya na lamang ng G6PD Deficiency, Congenital Hypothyroidism, Congenital Adrenal Hyperplasia, Galactosemia, Phenylketonuria, at marami pang iba.
Nagkakahalaga aniya ang Newborn Screening ng P1,750, ngunit maaari naman itong makuha ng libre kapag nanganak ang magulang sa PhilHealth accredited na ospital o Lying-in, dahil kabilang ito sa Newborn Care Package ng PhilHealth.
Sa huli, hinikayat ni Ms. Alincastre ang mga mga magulang na pangalagaan ang buhay ng mga sanggol sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga ito sa Newborn Screening upang agad na maagapan at agad na mabigyang lunas ang mga sakit na posibleng makita sa mga ito.