LATEST NEWS

ANIM NA LUNGSOD SA METRO MANILA, NAKATANGGAP NG MGA AMBULANSYA MULA SA DOH-MMCHD

HPCMU News Release No. 142

October 1, 2021

Naging matagumpay ang pagbibigay ng Type 1 Ambulance ng Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa mga lungsod ng San Juan, Taguig, Makati City, Caloocan, Malabon, at Valenzuela City kahapon, ika-30 ng Setyembre.

Ito ay sa pangunguna ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng MMCHD na naglalayong makapagbigay ng magandang kalidad ng ambulansya, mapabilis ang serbisyo publiko at maihatid ng ligtas ang mga pasyente sa mga health facilities.

Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, ang mga ambulansyang ipapamahagi ay binase sa international standards kaya kumpleto ang kagamitan nito at may kakayahan itong makapagbigay ng pangunang lunas sa mga pasyente habang patungo sa mga ospital.

Lubos namang nagpapasalamat si San Juan city Mayor Francis Zamora sa ipinagkaloob ng DOH-MMCHD na mga ambulansya at naniniwala ito na malaking tulong ito sa lungsod lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Naniniwala naman si Malabon City Mayor Antolin Oreta III na hindi lamang ito emergency transport vehicle kundi ito ay isang tunay na lifesaving na magagamit ng mga residente sa lungsod.

Samantala, nagpasalamat rin ang mga kinatawan ng lungsod ng Taguig, Makati, Caloocan, at Valenzuela sa DOH-MMCHD at nangako na kanilang gagamitin sa tama at iingatan ang mga ambulansya.

Sa huli, nangako naman si DOH-MMCHD Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal na na tuloy-tuloy lamang ang paglilingkod ng DOH-MMCHD sa taumbayan hanggang sa abot ng makakaya ng ahensya.