HPCMU News Release No. 141
October 1, 2021
“MahALAGA sina Lolo at Lola Ngayong Pandemya”. Ito ang tema ng Filipino Elderly Week na tinalakay sa Caritas News on the Go nitong Biyernes. Nakapanayam ni Ms. Jing Rey Henderson si Dra. Laila Celino, Head ng Non-Communicable Disease Prevention and Control Cluster (NCDCC) ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).
Nilahad ni Dra. Celino sa panayam na ang Filipino Elderly Week ay batay sa Proclamation No. 470 kung saan tinatalaga nito ang paggunita sa ating mga Senior Citizen tuwing unang linggo ng Oktubre. Sa linggong ito, tayo ay nagbibigay pugay sa kanila at ating inaalala ang kanilang mga pangagailangan.
Ayon kay Dra. Celino, prioridad na mabakunahan ang mga Senior Citizens ngayong panahon ng pandemya laban sa COVID-19. Karagdagan dito, hinikayat din silang magpabakuna laban sa flu at pulmonya. Namamahagi ang pamahalaan ng mga Flu at Pneumonia Vaccines para dito. Aniya, sa pagtanda ng mga tao, bumababa ang immunity kung kaya’t sila ay pinoprotektahan sa paraan ng immunisasyon.
Pinaalala niya na habang bata pa ay panatilihin ang malusog na pamumuhay sa paraan ng pagkain ng tama, pag-ehersisyo at pag-iwas sa mga bisyo. Kaniyang binilin na kung maaari’y manatili na lamang sa loob ng bahay ang mga Senior Citizen kung hindi mahalaga ang pupuntahan, habang tayo ay nahaharap pa sa pandemya.
Sa huli, hinikayan ni Dra. Celino ang mga anak at apo na bigyang halaga ang mga pangangailangan ng mga nakatatanda.