HPCMU News Release No. 140
September 28, 2021
Naging matagumpay ang pagbibigay ng Type 1 Ambulance ng Department of Health -Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Medical Center (DJNRMH), Rizal Medical Center (RMC), Treatment and Rehabilitation Center (TRC) Bicutan, at Las Pinas Health Department, ngayong araw ng Martes, September 28, 2021.
Ito ay sa pangunguna ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng MMCHD na naglalayong makapagbigay ng magandang kalidad ng ambulansya, mapabilis ang serbisyo publiko at maihatid ng ligtas ang mga pasyente sa mga health facilities.
Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ang mga ambulansyang ipapamahagi ay binili mula sa savings ng ahensya.
Ipinaalalahanan rin nito na huwag tanggalin ang mga gamit sa ambulansya at alagaan ito para tumagal dahil malaking bagay ito para makatulong sa pagsalba ng maraming buhay.
Ipinabatid naman ni Ms. Eileen L. Marcelo ang pasasalamat ni Dr. Alfonso Victorino H. Famaran Jr., Medical Center Chief II ng DJNRMH at buong kawani nito sa pagbibigay ng ambulansya ng DOH-MMCHD.
Sinabi naman ni Dr. Maria Rica M. Lumague, Medical Center Chief II ng RMC na ang pagbibigay ng ambulansya ng DOH-MMCHD ay hindi lamang tulong sa pagtugon ng mga ospital sa pandemyang COVID-19 kundi para sa taumbayan.
Dagdag pa ni Dr. Ferdinand Eusebio, City Health Officer ng Las Pinas na magsisilbing pamantayan ang mga ambulansyang ipinapamahagi ng DOH-MMCHD sa mga lungsod dahil sa magandang kalidad at kumpletong gamit nito.
Nangangako naman si Dr. Alfonso Villaroman, Chief of Hospital III ng TRC na kanilang gagamitin ng may pag-iingat at pagpapahalaga ang ambulansya.
Sa huli, nangako rin si DOH-MMCHD Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal na tuloy-tuloy lamang ang pagtulong ng DOH-MMCHD dahil nararapat lamang na matanggap ng mga Pilipino ang quality health services mula sa gobyerno.