HPCMU News Release No. 137
September 24, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News on the Go kay Dr. Adorisa Jurao, Head Ng Infectious Diseases Prevention and Control Cluster ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pag-gunita ng World Rabies Day tuwing ika-28 ng Setyembre.
Ayon kay Dr. Jurao, ang pag-gunita ng World Rabies Day ngayong taon ay may temang Rabies, Facts, not Fear na sumesentro sa pagpapalaganap kung paano ito maiiwasan at hindi pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa pagbabakuna.
Batay aniya sa datos ng World Health Organization (WHO) tinatayang nasa 56,000 ang kaso ng rabies sa buong mundo at bawat taon ay mayroong naitatalang pagkasawi dahil sa rabies.
Aniya, ang rabies ay karaniwang nakukuha sa mga aso at pusa, ngunit nililinaw rin nito na ito’y maaari ring makuha sa iba pang mga hayop gaya na lamang ng kambing, kabayo at paniki.
Kaya naman inaabisuhan ni Dr. Jurao ang publiko na huwag ipagsawalang bahala ang pagkagat ng mga hayop at agad na kumonsulta sa pinakamalapit na Animal Bite Center.
Dagdag pa nito, na kasama sa programa ng DOH ang pagbibigay ng libreng bakuna para sa rabies sa mga lokal na pamahalaang lungsod.
Iniimbitahan rin nito ang publiko sa nalalapit na ika-28 ng Setyembre na huwag matakot na magpabakuna para sa anti-rabies.