HPCMU News Release No. 136
September 17, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News on the Go kay Dr. Wenceslao M. Blas, Head ng Environmental and Occupational Health Cluster ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pag-gunita ng World Environmental Health Day tuwing ika-26 ng Setyembre.
Ayon kay Dr. Blas, nagsimulang gunitain ang World Environmental Health Day tuwing ika-26 ng Setyembre nang pormal na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 1, 2018 ang Proclamation No. 595.
Layon aniya nitong itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa ugnayan ng kalusugan at kapaligiran, gayundin ang pag-papalaganap ng mga aktibidades at programa hinggil dito.
Dagdag pa ni Dr. Blas, ang selebrasyon ng World Environmental Health Day ngayong taon ay mayroong temang “Kaligtasan at Kalusugan sa Kapaligiran, Bida sa Pag-bangon ng Lipunan” na umano’y sumesentro sa pagkakaroon ng importansya sa kalusugan at kapaligiran sa gitna ng nararanasang pandemyang COVID-19.
Dahil dito, magkasama aniyang gugunitain ng DOH at Department of Environment and Natural Resources ang World Environmental Health Day sa Setyembre a-24, 2021 kung saan itatampok ang mga lungsod na kikilalaning “Most Improved Local Government Units on Environmental Health and Sanitation”.
Susuriin aniya ng DOH ang mga lokal na pamahalaang lungsod base sa Department Memorandum 2021-0021 o Guidelines for the Most Improved Local Government Unit gaya na lamang ng pagkakaroon ng safe drinking water, sanitation, food sanitation, at governance and health promotion lalo na ngayong panahon ng pandemya.