HPCMU News Release No. 134
September 3, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News on the Go kay Pasig City Nutrition Officer Ms. Marissa C. Almario ang pag-gunita ng Obesity Prevention Awareness ngayong unang linggo ng Setyembre.
Ayon kay Ms. Almario, ang pag-gunita ng Obesity Prevention Awareness Week ay naglalayong palaganapin ang kaalaman at kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa mga panganib na dulot ng labis na timbang.
Aniya, mayroong dalawang klasipikasyon ang labis na timbang at ito ay ang Android Obesity kung saan korteng mansanas ang katawan ng isang tao dahil sa naiipong taba nito sa tiyan at Pear Shape Obesity kung saan naiipon naman ang taba nito sa balakang at hita.
Paliwanag nito, isa sa mga pangunahing sanhi ng labis na timbang ay ang kawalan at kakulangan ng oras na mag-ehersisyo, hindi pag-sunod sa tamang pagkonsumo ng mamantika, matataba at maaalat na mga pagkain.
Kalakip aniya nito ang panganib sa kalusugan ng isang tao gaya ng pagkakaroon ng sakit sa puso at posibilidad ma-stroke, magkaroon ng type 2 diabetes, at iba’t ibang uri ng kanser gaya ng breast at colon kanser.
Dahil dito, hinihimok ni Ms. Almario ang publiko, matanda man o bata na mag-ehersisyo ng mahigit sa isang oras araw-araw, gumawa ng gawaing bahay, limitahan ang sobra-sobrang pagkonsumo ng matataba, mamantika, maaalat at matatamis na pagkain upang maiwasan ang labis na timbang gayundin ang pagkakaroon ng sakit.