HPCMU News Release No.133
September 3, 2021
Binisita ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang North Signal Health Center sa Taguig City at Saniboy Health Center sa Mandaluyong City para magbakuna at hikayatin ang publiko na ipagpatuloy ang National Immunization Program (NIP) sa kabila ng pandemya, upang mabigyan rin ng proteksyon ang mga sanggol at mga batang nasa isang taong gulang pa lamang.
Ito ay sa pangunguna nina Health Secretary Francisco Duque III, Assistant Secretary Elmer Punzalan, Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal at ilang coordinators ng NIP na siya namang tinanggap nina Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos at mga City Health Officers.
Nabatid na naglabas ng memorandum ang DOH-MMCHD sa lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng routine immunization services at ibang direktiba hinggil sa NIP alinsunod narin sa ilalim ng Department Circular No. 2020-016 o Continuous Provision of Essential Health Services during the COVID-19 Pandemic.
Ang ilan sa mga itinurok na bakuna ay ang BCG na siyang proteksyon laban sa sakit na Tuberculosis, OPV para sa Polio, MMR para sa Tigdas, Beke, at German Measles (Rubella), at PCV na nagbibigay proteksyon laban sa sakit na Pneumonia.