LATEST NEWS

PAGPAPASUSO NG MGA INA NGAYONG KASAGSAGAN NG PANDEMYA, TINALAKAY SA PANAYAM NG CARITAS NEWS ON THE GO KAY MS. JOSEFINA SERNEO, NUTRITIONIST DIETITIAN IV NG DOH-MMCHD

 

HPCMU News Release No.131

August 27, 2021

Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson ng Caritas News on the Go kay Ms. Josefina Serneo, Nutritionist Dietitian IV ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pagpapasuso ng mga ina ngayong kasagsagan ng pandemya.

Ayon kay Ms. Serneo, ngayong panahon ng pandemya ay hindi maiiwasan na mayroong mga ina na nagpapasuso na pinaghihinalaang positibo sa COVID-19.

Aniya, dapat na ipagpatuloy ng isang ina ang kanyang pagpapasuso sa anak na sanggol kahit na ito’y pinaghihinalaan o positibo sa COVID-19.

Paliwanag nito, wala pang pag-aaral na makapagsasabi na maaaring makapagpasa ng virus ang isang ina na pinaghihinalaan o positibo sa COVID-19 sa kanyang anak na sanggol sa pamamagitan ng pagpapasuso.

Maaari naman aniyang magpasuso ng may pag-iingat sa pamamagitan ng pag-]susuot ng surgical facemask, pag-huhugas ng kamay, pag-gamit ng alcohol matapos at bago hawakan ang sanggol, at regular na paglilinis ng dibdib bago magpasuso.

Nilinaw rin nito na walang masamang epekto ang bakuna sa mga nagpapasusong ina, gayunman hindi aniya inirerekomenda ng DOH na iturok sa mga ito ang Sputnik V vaccines.

Bukod dito, hindi rin aniya masamang magpasuso ang isang ina matapos na magpabakuna dahil ito’y may antibodies na makakatulong rin sa mga sanggol na maprotektahan laban sa mga sakit.

Sa huli, patuloy na hinihikayat ni Ms. Serneo ang mga ina na ipagpatuloy ang pagpapasuso dahil hindi lamang ito makakabuti sa kanilang kalusugan kundi maging sa kalusugan rin ng kanilang mga anak.