HPCMU News Release No. 128
August 20, 2021
31 TAON – Bilang ng taon sa pampublikong serbisyo ni Assistant Regional Director (ARD) Maria Paz Corrales. Matapos ang dalawang ekstensyon sa kaniyang pagiging ARD, ang kaniyang pagretiro mula sa MMCHD ay ipinagdiwang isang araw bago ang kaniyang kaarawan nitong ika-20 ng Agosto, 2021 sa pamamagitan ng isang munting pagtitipon na may pagsunod sa minimum health standards.
Personal na nagbahagi ng mensahe si Regional Director Gloria J. Balboa kay ARD Corrales kung saan kaniyang kinilala ang hindi maikakailang kontribusyon ni ARD Corrales sa MMCHD. Nagpasalamat si RD Gloria Balboa at sinabing bukas ang CHD anumang oras para kay ARD Corrales.
Nagpaabot ng pagbati sa kaniyang kaarawan gamit ang recorded video sina Management Support Services Division Chief Administrative Officer Philip Du at Local Health Support Division Medical Specialist IV Dra. Amelia Medina. Mula naman sa Central Office, bumati si Director IV Dr. Ariel Valencia. Nagpadala rin ng pagbati sina Manila Vice Mayor Honey Lacuna, at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. Aniya siya ay “isang inspirasyon sa amin sa Task Force dahil sa sipag, determinasyon at dedikasyon na kaniyang pinakita sa araw-araw.” Sa pagkilala ni Sec. Galvez sa kaniyang tungkulin at matagal na serbisyo sa Task Force, pinaalala niya rin na huwag kalimutang magpahinga at alagaan ang sarili.
Sa huli ay nagpasalamat si ARD Corrales kay Regional Director Balboa sa kaniyang gabay, sa kaniyang mga nakasama at nakatrabaho na nagsilbing suporta, at maging sa buong MMCHD na naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay sa serbisyo.
Buong nagpasalamat ang MMCHD sa lahat nang kaniyang naibahagi sa ahensya.