HPCMU News Release No.127
August 20, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News on the Go kay Dr. Manuel Mapue II, Head ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang unang kaso ng Lambda variant sa bansa.
Ayon kay Dr. Mapue, ang unang kaso ng Lambda variant sa bansa ay 35 taong gulang na babaeng buntis mula sa Western Visayas.
Nakarekober na aniya ito sa COVID-19 at ligtas ring naipanganak ang sanggol.
Dagdag pa ni Dr. Mapue na patuloy paring pinag-aaralan hanggang sa ngayon ang kasong ito gayung napag-alaman na hindi naman ito bumiyahe at hindi rin umano nagkaroon ng kontak sa mga bumiyaheng Pilipino o dayuhan.
Ipinaalala naman ni Dr. Mapue na bagamat iklinasipika ng World Health Organization (WHO) na Variant of Interest ang Lambda variant na anila’y hindi gaano kalala kumpara sa mas nakakahawang Variant of Concern gaya na lamang ng Delta variant ay hindi umano ito dapat ipag-sawalang bahala.
Pinapayuhan nito ang publiko na agad sumailalim sa COVID-19 test oras na may maramdamang sintomas ng COVID-19, mag-isolate upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus at magpabakuna laban sa COVID-19 lalo na ang mga senior citizens dahil sa pagkakaroon nito ng mahinang immune system.
Samantala, tinitiyak naman ni Dr. Mapue na hindi nagpapabaya ang kagawaran ng kalusugan sa pangangalaga sa mamamayan at patuloy na tumutulong lalo na sa mga nagnanais na magpabakuna.
Sa huli, umaapela ito sa publiko lalo na sa Metro Manila na tulungan ang kagawaran dahil hindi lamang ito responsibilidad ng kagawaran kundi ng buong mamamayang Pilipino nang sa gayon ay magkaroon muli ng isang malusog na bansa.