HPCMU News Release No.125
August 13, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson kay Population Commission - National Capital Region (POPCOM-NCR) Regional Director Lydio Español Jr. sa programang Caritas News on the Go ngayong araw ng Biyernes, Agosto 13, 2021 ang mga natural na pamamaraan para sa family planning.
Ayon kay Dir. Español, tuwing buwan ng Agosto ginugunita ang selebrasyon ng family planning upang ipagbigay alam sa publiko ang tamang panahon ng pagkakaroon ng anak, kung gaano kalayo ang agwat at kung hanggang ilang anak ang angkop sa bawat pamilya.
Aniya, dapat na nasa tatlo hanggang limang taon ang agwat ng mga bata upang mapanatili ang malusog na pangangatawan ng isang ina.
Ang balanseng bilang naman aniya ng anak sa isang pamilya ay dalawa hanggang tatlo, depende sa kakayahan ng magulang na maibigay ang pangangailangan ng bawat anak gaya na lamang ng pagkain, damit, at maging ng oras.
Iginiit naman nito na ginagalang ng batas sa bansa ang paniniwala, relihiyon at kalayaan ng bawat pamilyang pilipino kung kaya't inilatag ang limang natural na pamamaraan ng family planning.
At ito aniya ay ang mga sumusunod:
Una, Standardized Method kung saan binibilang ang araw ng regular na pagkakaroon ng regla ng isang babae upang malaman kung dapat na magtalik ang mag asawa o hindi.
Pangalawa, Billings Ovulation Method kung saan kapag mayroong lumabas na puti sa isang babae ay indikasyon na ito ay fertile.
Pangatlo, Basal Body Temperature kung saan kailangan bantayan ang pagtaas ng temperatura ng isang babae na tumatagal ng tatlong araw na umano'y indikasyon rin na ito ay fertile.
Pang-apat, Symptothermal Method, ito ang pagbabantay ng parehong temperatura at paglabas ng puting discharge sa isang babae.
Pang-lima, Lactational Amenorrhea Method kung saan sinasabing ligtas na makipagtalik ang nagpapasusong ina dahil sa kasagsagan ng anim na buwang pagpapasuso sa anak at hindi umano umano dinadatnan ang isang babae.
Sa huli, sinabi ni Español na sa temang "Usap Tayo sa Family Planning" ngayong taon ay hinihikayat nito ang bawat magulang na pag-usapan ang nararapat na pamamaraan ng family planning at kung paano magiging responsableng magulang sa kanilang mga anak.