LATEST NEWS

BLESSING AT CEREMONIAL TURN OVER NG 5- CLUSTER MODULAR HOSPITAL SA LUNG CENTER OF THE PHILIPPINES

 

HPCMU News Release No.124

August 11, 2021

Upang bigyang aksyon ang tumataas na naman na kaso ng COVID-19 sa bansa, tinanggap ng Lung Center of the Philippines ang itinayo na 5-Cluster Modular Hospital ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Sec. Mark Villar.

Ang naturang 5 cluster modular hospital ay may 108- bed capacity na nakalaan para sa mga severe o critical cases ng COVID-19. Apat sa mga unit na ito ay may 22-bed capacity at isang ICU na may 20 bed-capacity. Makikita sa loob ng ICU ang mga oxygen at suction na gagamitin sa mga pasyente na mangangailangan ng mataas na antas ng pangangalagang medikal at kumplikadong paggamot. Bawat kwarto ay may kumpletong gamit at sariling palikuran.

Sa ceremonial turn over ng modular hospital, nagbigay ng pasasalamat si Exec. Dir. Vincent M. Balanag ng Lung Center of the Philippines sa karagdagang hospital beds. Aniya, malaking tulong ito sa ospital lalo na at ang kanilang hospital beds na laan para sa mga COVID-19 patients ay okupado na.

Nagbigay din ng paalala si DOH Sec. Francisco T. Duque III na huwag pa rin makakalimot sa karagdagang proteksyon na dala ng minimum public health standards sa kabila ng pagtaas ng mga nababakunahan laban sa COVID-19 virus.

Kasama na dumalo sa ceremonial turn over sina Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque Jr., Sec. Mark Villar ng DPWH, Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III, IATF Chief Implementer and Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr, Department of Public Works and Highway (DPWH) Usec. Emil Sadain, DOH Usec. Leopoldo Vega, DOH Asec. Elmer Punzalan, Quezon City Mayor Joy Belmonte at President/ CEO ng Nationstar Development Corporation na si Mr. Alejandro H. Tengco.

Samantala, nakatakda namang magbukas ng mas maraming modular hospitals sa buong bansa ang DPWH upang matulungan na matugunan ang pangangailangan para sa higit pang modular hospitals para sa mga pasyente ng COVID-19.