HPCMU News Release No. 123
August 6, 2021
Sa selebrasyon ng Nutrition Month na may temang “Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan” nagsagawa ang National Nutrition Council( NNC) ng mga programa na akma sa pagpapatupad ng tiyak na nutrisyon ng mga Pilipino. Ilan sa mga paligsahan na binuo ng NNC ay ang BNAO Vlog Contest, Nutri-Tula Writing Contest, Regional Webby Awards at Healthy UOTD (Ulam of the Day) Cooking Contest.
Sa pagsisimula ng programa ay nagpaabot ng paunang mensahe ang Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director na si Director Gloria J. Balboa. Sa kanyang mensahe ay nagpaabot siya ng pasasalamat sa lahat ng mga sumali sa patimpalak gayun din sa nagsagawa ng programa. Hinikayat din ng Director ang lahat na ipagpatuloy pa rin ang adbokasiya at misyon sa pagkamit ng mga layunin sa mga programang pang-nutrisyon. Dagdag pa ng Director, na panatilihin ng mga local government units (LGUs) ang kanilang mga stratehiya at programa pang-nutrition sa gitna ng pandemya.
Nagpaabot ng mensahe si Ms. Milagros Elisa V. Federizo, Regional Nutrition Program Coordinator sa lahat na sana ay hindi magtapos sa buwan ng Hulyo ang pagdiriwang sa Nutrition Month at patuloy pa rin na pagtulungan na labanan ang Malnutrisyon.
Sa pagtutuloy ng programa sinimulan na ang pagbibigay ng awards para sa BNAO Vlog Contest. Ang BNAO ( Barangay Nutrition Action Officer) Vlog Contest ay patimpalak kung saan ipinapakita ang mga tungkulin ng isang BNAO. Nag-gawad sila ng Php 3,000 para sa 2nd runner up, Php 5,000 para sa 1st runner-up at Php 7,000 naman para sa grand winner. SA Nutri-Tula Contest naman na isinagawa noong July 26, 2021, tinanghal na grand winner ang Tula na pinamagatang “ Para sa Iyo, Aking Supling na isinulat ni Gng. Rosalie Cortez ng Caloocan City. Nanalo siya ng Php 7,000. Panalo naman ng Php 3,000 ang 2nd runner- up at Php 5,000 naman para sa 1st runner-up.
Nagbuo din ang NNC ng Healthy UOTD (Ulam of the Day) Cooking Contest kung saan ipinamamalas ng mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) ang kanilang iba’t ibang healthy recipe kasama ang kanilang nutritive value. Mula sa dalawampu’t apat na entry, tinanghal na Healthy UOTD ang recipe ni BNS Maria Divinagracia V. Pareja ng Pasay City. Nag-uwi din siya ng Php 7,000 bilang papremyo ng NNC. Nakapag-uwi naman ng Php 3,000 at trophy ang tinanghal na 2nd runner-up at Php 5,000 trophy naman para sa 1st runner-up.
Sa Regional Webby Awards, kinuha naman bilang judge ang Draftsman II ng Health Promotion and Communications Management Unit (HPCMU) na si Abigail Contreras. Sa patimpalak na ito, tiningnan kung gaano kadalas at kaaktibo ang social media ng mga local government units sa pagpapakalat ng mga tamang impormasyon patungkol sa tamang nutrisyon sa kanilang social media page. Tinanghal na Best LNC (Local Nutrition Committee) Social Media Account ang Pasig City at nakapaguwi ng Php 10,000 at trophy. 1st runner up naman ang LNC ng Navotas at nakatanggap sila ng Php 5,000 kasama ang trophy.
Sa pagtatapos ng programa ay nagbigay ng mensahe ang mga tinanghal na grand winner sa mga patimpalak. Hinikayat nila ang lahat na patuloy na labanan ang Malnutrisyon sa bansa. Nagpasalamat din sila sa NNC-NCR sa pagsasagawa ng mga patimpalak na naging plataporma nila upang ipakita ang kanilang ambag at mga aksyon sa patuloy na paglaban sa Malnutrisyon sa gitna ng pandemya. Nagbigay din sila ng paalala na magpabakuna upang lalo pang maging ligtas at malusog sa gitna ng pandemya.