HPCMU NEWS RELEASE NO. 122
AUGUST 6, 2021
Tinalakay sa panayam ni Ms. Jing Rey Henderson sa kanyang programang Caritas News on the Go kay Department of Health – Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa ang mga panuntunan para sa pagbabakuna sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Dr. Gloria Balboa, magpapatupad ang DOH ng panuntunan sa pagbabakuna na magsisilbing gabay sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang pagdagsa ng tao sa mga vaccination sites.
Nilinaw naman nito na hindi inirerekomenda ng DOH sa mga LGU’s na magkaroon ng walk-in’s gayung ito ang nagiging dahilan ng pagdagsa ng tao at hindi pagsunod sa public minimum health standards.
Aniya, papayagan lamang ng DOH ang pagpapatupad ng walk-in’s sa mga vaccination sites kung mayroong maayos na sistemang ipapatupad ang lokal na pamahalaan at kung maaabisuhan ang DOH hinggil dito upang mabigyan umano ng gabay sa pagbabakuna.
Hinihikayat rin nito ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila magpatupad ng Quadrant o Barangay Zoning kung saan hahatiin ang lungsod sa quadrant at maglalagay dito ng vaccination centers upang hindi na lumabas ng lungsod ang mga magpapabakuna sa kasagsagan ng ECQ.
Bukod dito, maaari rin aniyang magpatupad ang mga lungsod ng Mobile Vaccination Buses na magpapark sa mga open spaces gaya ng barangay basketball courts at pagdedeploy ng Mobile Vacination Teams na magbabahay-bahay para magpabakuna.
Inanunsyo rin nito na pansamantalang sususpindihin ang pagbabakuna ng ilang ospital at medical centers sa Metro Manila ngayong ECQ dahil napupuno na umano ang ilan sa mga ito ng pasyente ng COVID-19.
Samantala, nananawagan rin aniya ang DOH ng mga dedicated na vaccinators dahil mas mainam na isailalim ang mga ito sa “workplace bubble” o pagpapanatili sa mga ito ng isang linggo sa isang lugar upang malimitahan ang pisikal na interaksyon lalo na sa mga posibleng positibo sa COVID-19.
Sa huli pinapayuhan ni Dr. Gloria Balboa ang publiko na magpapabakuna ngayong ECQ na huwag itago ang nararamdaman upang ito’y maagapan at hindi na kumalat at huwag maniwala sa fake news.