LATEST NEWS

DOH, NAKIISA SA SELEBRASYON NG 10 MILLION FULLY VACCINATED FILIPINOS SA SM MEGAMALL



HPCMU News Release No. 121
August 5, 2021

Nakiisa sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Assistant Secretary Elmer Punzalan, DOH-Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, at Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) Head Dr. Manuel Mapue II sa selebrasyon ng 10 Million Fully Vaccinated Filipinos sa SM Megamall, ngayong Agosto 5, 2021.

Kabilang rin sa mga dumalo ay sina Presidential Spokesperson Harry Roque, National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos at Mcdonald’s Philippines at Ingat Angat advocacy co-lead Ms. Margot Torres.

Sa pagsisimula ng programa, agad na binati ni SM Supermalls Senior Vice President Bien Mateo ang mga dumalo at mga volunteers at staff na nasa likod ng tagumpay na ito dahil sa walang sawang pagtatrabaho ng mga ito na maturukan lamang kontra COVID-19 ang kanilang mga kababayang Pilipino.

Ibinahagi naman ni Mayor Menchie Abalos na lumalabas sa kanilang datos noong Agosto 4, 2021 na 473,588 na ang bakuna na kanilang naipamahagi para sa kabuuang 464,467 na populasyon ng Mandaluyong City.
Ayon kay Secretary Harry Roque, importante na tuluy-tuloy ang pagpapabakuna dahil ito ang tulay upang makabalik na sa dating buhay ang bawat Pilipino.

Dahil dito, sasamantalahin pa aniya ng gobyerno ang pagsasailalim ng Metro Manila sa ECQ upang mas pabilisin ang pagpapabakuna.
Nagpapasalamat naman si MMDA Chairman Abalos sa lahat ng sangay ng gobyerno, pribadong grupo at publiko dahil sa mga inisyatibo at pagtutulungan upang masugpo ang COVID-19 sa bansa.

Nangako naman si Secretary Vince Dizon na tuluy-tuloy ang pagdating ng mga bakuna sa bansa at hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi nababakunahan ang buong populasyon sa bansa.
Sa huli, hinihikayat naman ni Secretary Duque ang lahat na bigyang pagkilala ang pagsasakripisyo ng mga nagbabakuna dahil ito umano ang nagsisilbing lakas ng mga ito sa kanilang dedikasyon.
Huwag rin aniyang kakalimutan na kung hindi sa kanilang paninilbihan ay wala ring magaganap na selebrasyon ng 10 Million Fully Vaccinated Filipinos.