HPCMU News Release No.119
July 30, 2021
Idinaos ng Metro Manila Center for Health Development ang National Infection Prevention and Control Week na may temang, “Breaking the Infection Chain for Patients and Frontliners” na pinangunahan ng Health Facility Development Unit(HFDU) sa pamumuno ni Dr. Tess Rivera.
Ang National Infection Prevention and Control Week ay ginaganap tuwing ikalawang linggo ng Hulyo alinsunod sa Presidential Proclamation No. 971 na nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte noong June 23, 2021.
Layon ng pagdiriwang na ito na palakasin ang kaalaman ng publiko sa mga pamamaraan kung paano makaiiwas sa mga nakahahawang sakit. Bukod dito, nais ng HFDU na maging gabay ang kanilang isinagawang paligsahan sa mga DOH hospitals. Pinamagatan itong “Rub and Dab Tiktok Challenge”, kung saan ipinamalas ng mga frontliners ang BIDA(Bawal ang walang mask, I-sanitize ang mga kamay, Dumistansya ng isang metro at Alamin ang totoong impormasyon) behaviour sa isang social networking service. Ilan sa mga ospital na nakilahok sa dance challenge na ito ay ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Valenzuela Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, National Center for Mental Health at San Lorenzo Ruiz Hospital.
Inimbitahan bilang judge sina Assistant Regional Dir. Maria Paz P. Corrales, Dr. Amelia C. Medina ng Local Health Support Division(LHSD), Dr. Karenina Victoria ng Regulations, Licensing and Enforcement Division(RLED), Dr. Philip Du ng Management Support Services Division(MSSD), Mr. Reginald V. Santiago ng Health Promotion and Communications Management Unit(HPCMU) at Dr. Tess Rivera ng Health Facility Development Unit.
Tinanghal bilang grand winner ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium at bilang papremyo ay nakapag-uwi sila ng Php 50,000. Third runner-up naman ang Valenzuela Medical Center at nanalo rin sila ng Php10,000, nag-second runner-up naman ang Quirino Memorial Medical Center at nanalo ng Php 20, 000 at ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center bilang first runner-up na nanalo rin naman ng Php30,000. Iginawad naman ang Most Liked Tiktok Video sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Most Shared Tiktok Video sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center at pinagkalooban ng tig-pitong libong piso bilang papremyo. Nagpaabot naman ng Php5,000 bilang consolation prize ang MMCHD sa mga hindi pinalad na manalo.
Sa pagtatapos ay nagbigay ng mensahe si Asst. Regional Dir. Maria Paz P. Corrales sa mga ospital na lumahok sa Rub and Dab Tiktok Challenge. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa patuloy na pagtulong at pagsuporta sa programa ng departamento sa paglaban ng COVID-19 virus sa bansa. Nagbigay din siya ng paalala sa ating mga frontliners na bigyang diin ang pagpapabakuna. Sinabi rin niya patuloy na sumunod sa minimum public health standards upang manatiling malakas at ligtas sa mga nakahahawang sakit.