LATEST NEWS

104 TAONG GULANG LOLO BINAKUNAHAN SA LUNGSOD NG PARANAQUE

 

HPCMU New Release No.115

July 24, 2021

Pormal na binuksan na ang pagbabakuna sa A2 priority group gamit ang Janssen vaccine ng Johnson & Johnson sa lungsod ng Paranaque, kasabay ng pagbakuna ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa sa isang 104 taong gulang na lolo na ginanap sa SM City BF ngayong ika-24 ng Hulyo.

Bilang paghahanda sa araw na ito, planadong ini-schedule ng Paranaque City ang pagdating ng mga senior citizen kada Barangay upang maiwasan ang matagal na pag-aantay at mabantayan ang pagsunod sa minimum public health protocols. Binubuo rin ang bakunahan ng pitong vaccination team.

Sa pangangamusta ni RD Balboa sa mga senior citizens na nakapila upang mabakunahan ay napatunayan na ang mga kaanak ng mga senior citizen ay may malaking impluwensya sa desisyon nilang magpabakuna.

Samantala, maliban sa bakunahan sa unang palapag ng mall, halos mapuno rin ang ikalawang palapag nito sa bugso ng mga senior citizen na gustong mabakunahan. At sa suporta mula sa SM Malls, gamit ang shopping cart ay dinala sa ikalawang palapag ang mga bakuna para hindi na kailanganing bumaba ng mga senior citizens para lang mabakunahan.

Sa kabilang banda, ginanap din ang pagkilala sa Barangay Don Bosco matapos magtala ng pinakamataas na bilang na nabakunahan sa lungsod. Kasunod nito, kinilala rin ang Brgy. Sun Valley at San Isidro nang mapanalo nila ang VACC to dancing challenge para sa A2.

Dinaluhan rin ang program nina Paranaque City Mayor Edwin Olivares, District 1 Congressman Eric Olivares, City Health Officer Dr. Olga Virtusio, SM Mall Operations Manager Carlo Pimintel, Former Paranaque Councilor Ms. Alma Moreno at iba pang mga lingkod bayan sa Paranaque.