LATEST NEWS

DOH-MMCHD REGIONAL DIRECTOR GLORIA J. BALBOA NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG PASIG PARA SA 100% VACCINATION NG A2

 

HPCMU NEWS RELEASE NO. 113

JULY 22, 2021

Dinaluhan ni Metro Manaila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa ang pagdiriwang ng Pasig sa kanilang milestones na mabakunahan ang 100% ng A2 priority group. Ginanap ito sa Pasig Sports Center kasama sina Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vivencio B. Dizon at Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Sinimulan ni Mayor Vico Sotto ang pagdiriwang sa kanyang pangbungad na pahayag. Sinabi niya na “Word of Mouth” ang isa sa mga sikreto kung bakit nakatamo sila ng 100% Vaccination sa A2 Priority Group. Aniya “Kung may sikreto man, ‘yon po siguro ‘yon. Dahil sa word of mouth, unti-unti nabi-build ang confidence kaya I’m very happy to say na mataas pa rin ang vaccine confidence sa ating lungsod”. Nagpasalamat din ang alkalde sa patuloy na pagsuporta ng mga Pasigueño at ng gobyerno sa lokal na pamahalaan.

Nagpaabot naman ng saludo at pagbati si DOH Usec. Myrna Cabotaje sa lungsod ng Pasig. Hinikayat din niya ang publiko na magpabakuna at muling nagbigay ng paalala sa publiko. Aniya, “Get yourself vaccinated as soon as possible at wag kalimutan na kahit bakunado pa rin ay sumunod pa rin sa Minimum Public Health Standards.”

Ibinalita naman ni Sec.Dizon na umabot na sa 16 million doses ng bakuna ang na-administer sa buong bansa. Dagdag pa niya na kailangan pa rin nilang magtuloy-tuloy at hindi sila magtatapos dito. Layon din taasan ni Sec. Dizon at Usec. Cabotaje ang daily vaccination target ng National Capital Region dahil sa sipag at pagpupursige ng mga ito sa pagbabakuna.

Kasama rin sa programa ang pagbabakuna ng Johnson & Johnson sa A3 Priority Group ng Pasig. Pinangunahan ito ni Regional Director Gloria Balboa nang bakunahan niya ang limang katao na kabilang sa A3 Priority Group. Tulad ng isinasagawang pagbabakuna sa ibang vaccination sites, ipinakita ng Direktor ang bakuna na kanyang ginamit at sinigurado na lahat ng laman ng hiringgilya ay naiturok.

Matapos ang matagumpay na pagbabakuna ni Regional Director Balboa ng Johnson & Johnson sa A3 priority group ng Pasig, nagkaroon ng maikling panayam ang alkalde ng Pasig sa Metro Manila Center for Health Development(MMCHD). Sinabi niya na multiple doors ang binuksan nila para magkaroon ng access sa bakuna ang mga taga-Pasig. Kaya hinikayat niya ang mga ito na magpabakuna para sa kaligtasan nila at ng buong Pasig.