HPCMU News Release No.110
July 19, 2021
Naging matagumpay ang pagbibigay ng Type 1 ambulance ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) sa AJ Maximo Super Health Center at Murphy Super Health Center sa Novaliches, Quezon City, ngayong araw ng Lunes, July 19, 2021.
Ito ay sa tulong narin nina Bagong Henerasyon Partylist Representative at House Deputy Speaker Congresswoman Bernadette “BH” Herrera-Dy at Quezon City District 5 Councilor Patrick Michael “PM” Vargas na kumatawan kay Quezon City District Representative Alfred Vargas.
Ang naturang programa ay pinangunahan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng MMCHD na naglalayong makapagbigay ng magandang kalidad ng ambulansya, mapabilis ang serbisyo publiko at maihatid ng ligtas ang mga pasyente sa mga health facilities.
Ayon sa kapitan ng barangay novaliches proper na si Capt. Asuncion Visaya, lubos silang nagpapasalamat sa DOH-MMCHD sa pagbibigay ng dalawang ambulansya lalo na sa panahong ito kung saan lubos na nangangailangan ang bawat barangay ng ambulansyang maghahatid sa mga pasyente sa mga health facilities o ospital.
Itinuturing naman ni Congw. Bernadette Herrera-Dy na blessing si Dr. Gloria Balboa sa National Capital Region (NCR) dahil sa mabilis nitong pagkilos at paglilingkod sa bayan.
Bukod sa pagbibigay ng ambulansya sa ibat ibang health facilities sa NCR, ipinagmalaki rin nito ang mga naging hakbang ng DOH upang makapagbigay serbisyo sa publiko ngayong pandemya gaya na lamang ng pagbibigay ng grant o pondo sa labing dalawang pampribadong ospital sa Metro Manila upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong pambayad sa ospital.
Ipinabatid naman ni Councilor PM Vargas na tuloy lang ang pagtatrabaho ng gobyerno sa kabila ng gulo, mga namatay, nawalan ng mga trabaho at pasakit na dala ng COVID-19 pandemic dahil ngayon ang tamang oras upang magtulungan at mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
Sa huli, nagpasalamat rin si Dr. Gloria Balboa sa inisyatibo ni congw. Bernadette Herrera-Dy at Councilor PM Vargas dahil sa kanilang inisyatibo at pagpapakita ng importansya ng kahalagahan ng ambulansya sa mga health facilities.
Pinaalalahanan rin nito ang mga health centers na pangalagaan ang mga ambulansya upang ito’y tumagal at kinakailangang may sapat na training ang mga gagamit na driver at iba pang staff upang matiyak ang kaligtasan at buhay ng pasyenteng kanilang ihahatid.