LATEST NEWS

NUTRITION MONTH, SITWASYON DAHIL SA TAAL TINALAKAY SA PANAYAM KAY DIR. BALBOA

 

HPCMU News Release No. 102
July 2, 2021

Ngayon buwan ng Hulyo ay ginaganap ang Nutrition Month ayon sa Presidential Decree 491 or Nutrition Act of the Philippines, kaya naman hinimok ni Dir. Gloria J. Balboa ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development sa kanyang panayam kay Ms. Jing Rey Henderson sa programang Caritas News On The Go na pahalagahan ang kalusugan, hindi lamang ng mga bata kundi ng buong pamilya.

Tinalakay ni Dir. Gloria ang kahalagahan ng unang 1,000 araw ng bata simula sa pagbubuntis ng ina, pagkapanganak sa sanggol hanggang magdalawang taon ito. Isinama na rin sa diskusyon ang pagpapahalaga sa mga ina.

Dagdag pa niya na mahalagang alam ng nanay ang kanyang tungkulin habang siya ay nagbubuntis, mula sa pagkain ng tama at regular na pagpapa-check-up. Matapos naman manganak ay kinakailangan patuloy na magpa-check-up ang ina kasama ang sanggol.

Binigyang diin nya ang pagpapaalala sa mga ina na eksklusibong i-breast feed ang kanilang mga anak sa unang anim na buwan. Maaring ipagpatuloy ang pagpapasuso matapos ang anim na buwan kasabay ang pagbibigay ng mga dinurog na masusustansyang pagkain sa bata.

Nilinaw rin nya ang mga tungkulin ng bawat ahensya or iba pang mga grupo upang mas maging matagumpay ang kampanya sa kahalagahan ng kasulusugan ng mag-ina at maging ng buong pamilya.

Sa kabilang banda, dahil sa pag-taas ng alert level ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) dahil sa estado ng bulkang Taal na nakakaapekto na sa mga karatig lugar sa Luzon, nagpaalala ng mga dapat na gawin si Dir. Gloria J. Balboa ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development sa kanyang panayam sa programang Caritas News on the go.

Ayon sa Philvocs, naglalabas na ng isang kilometrong taas na itim na phreatomagmatic plume at sulfuric clouds. Nagdulot ito ng pagtaas ng Air Quality Index na 150 hanggang sa 200 na nangangahulugang mapanganib kung ito ay patuloy na nalalanghap.

Dahil dito, pinayuhan ni Dir. Balboa ang publiko na magsuot ng N95 mask o hindi kaya’y tela na baghayang basa at hindi paglabas ng bahay kung hindi kinakailanagan, gayundin ang pagsara ng pinto at bintana upang hindi makapasok ang vog sa loob ng bahay at makaiwas narin sa banta ng COVID-19