HPCMU News Release No. 101
July 1, 2021
Tinalakay sa panayam kay Department of Health - National Capital Region (DOH-NCR) Regional Director Gloria J. Balboa sa programang Dobol Weng sa Dobol B ng DZBB kasama sina Ms. Rowena Salvacion at Mr. Weng Dela Pena ang mga epekto ng Volcanic Sulfur Dioxide.
Ito ay matapos na ilagay sa Alert Level 3 ang estado ng Bulkang Taal dahil sa phreatomagmatic eruption nakaraang Huwebes, Hulyo 1.
Nangyari ito isang araw matapos ring kumpirmahin ng Phivolcs na Sulfuric Dioxide mula sa Taal ang dahilan sa likod ng volcanic smog o vog na nagpapalabo ng kapaligiran at hangin sa Metro Manila.
Ayon kay DOH-NCR Regional Dir. Balboa, may epekto sa tao ang pagkakalanghap ng vog dahil ito ay acidic na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan, ilong at respiratory tract depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkakalanghap nito.
Aniya, ang mahalagang proteksyon sa sarili para makontra ang epekto ng vog lalo na sa mga may sakit sa baga, puso, hika, may mga edad, sanggol, mga bata at buntis ay ang pag susuot ng N95 mask o di kaya'y tela na bahagyang basa upang hindi manuot at malanghap ang vog.
Dagdag pa nito na mainam ring iwasan ang mahabang exposure sa vog sa pamamagitan ng paglimita sa paglabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan at isara ang mga bintana at pintuan upang hindi ito makapasok sa loob ng bahay.
Samantala, sa paggunita ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo na may temang “Malnutrisyon patuloy na labanan, First 1000 days tutukan!” ay hinihikayat ang publiko ni Regional Dir. Balboa na siya ring Chairperson ng Regional Nutrition Committee na makiisa sa pagsugpo ng malnutrisyon mula sa pagbubuntis ng isang ina hanggang sa ikalawang taon ng kanyang anak upang makamtan ng isang bata ang tamang nutrisyon upang itoy lumaking matalino at malusog.