HPCMU News Release No. 100
June 28, 2021
Umabot na sa 10 million ang naturukan kontra sa COVID-19 sa ginanap na "Ceremonial Vaccination Reaching 10 Million Jabs" sa Valenzuela City Astrodome ngayong araw, Hunyo 28.
Malugod na pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III kasama sina Secretary Carlito Galvez, Sec. Vivencio Dizon, Usec. Myrna Cabotaje, at Director Gloria J. Balboa ang ceremonial vaccination.
Nakiisa rin sina Mayor Rexlon Gatchalian at Hon. Weslie Gatchalian kasama ang iba pang kawani ng Lungsod ng Valenzuela.
Lubos na nagpasalamat si Sec. Duque sa suporta at tulong ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa gitna ng pandemya. Aniya makakayanan ng Pilipinas na makamit ang 70% ng population protection bago matapos ang kasalukuyang taon kung ang lahat ay makikiisa at tutulong sa pagpapalawak ng bakunahan sa bansa. “We are not helpless, kaya po nating labanan ito”dagdag pa niya.
Patuloy paring pinaaalalahanan at pinakikiusapan ang publiko na huwag pa ring maging kampante at patuloy paring mag-ingat lalo na sa bagong variant ng COVID-19.
Pinasalamatan din ni Mayor Gatchalian ang masisipag na healthcare workers at national government sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo at mga patnubay sa mga lokal na pamahalaan para mas mapabilis at maging epektibo ang mga ginagawang pagbabakuna ng mga vaccination sites.
Sa pagtatapos, binakunahan ni Sec. Duque ang isang senior citizen sa loob ng Valenzuela City Astrodome.