HPCMU News Release No.099
June 25, 2021
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) NCR Assistant Regional Director Maria Paz P. Corrales sa kanyang naging panayam sa Caritas News on the Go na nakapasok na sa bansa ang Delta Variant ng COVID-19.
Ayon kay Asst. Regional Dir. Corrales, mas nakakahawa ang Delta Variant ng 40% hanggang 60% kung ikukumpara sa Alpha Variant ng COVID-19 dahil lumalabas sa pag-aaral na ang Alpha positive person ay may kakayahang makapanghawa ng apat hanggang lima katao habang ang Delta positive person naman ay may kakayahang makapanghawa ng hanggang sa walo katao.
Nilinaw rin ni Asst. Regional Dir. Corrales, na nasa labing tatlo lamang ang kaso nito sa bansa mula sa naunang napaulat na labing pito.
Dagdag pa nito na kailangang higpitan ang border control sa lahat ng rehiyon sa bansa, istriktong pagsunod sa minimum public health standards, at pagpapabakuna laban sa COVID-19 upang hindi na kumalat sa bansa ang Delta variant.
Tinitiyak naman ng DOH kasama ang Food and Drug Administration (FDA) na epektibo laban sa Delta Variant ang lahat ng bakunang mayroon sa bansa.