HPCMU News Release No.085
June 12, 2021
Isinagawa nitong nagdaang Araw ng Kalayaan, ika-12 ng Hunyo, ang pagpapabakuna kontra covid-19 sa mga indibidwal na kabilang sa A4 Category list ng gobyerno sa ilang lungsod ng Metro Manila.
Kabilang sa mga lungsod na ito ang Mandaluyong, Taguig at Quezon City kung saan tinarget na mabakunahan ang isang libo hanggang dalawang libong residente sa kada lungsod noong Sabado.
Dumating naman ang ilang Artista, Production Staff, Media at mga empleyado mula sa ibat ibang kumpanya para magpabakuna gaya na lamang nila Marian Rivera-Dantes, Dingdong Dantes, Kim Atienza at Wendell Ramos sa Mckinley Hill, Taguig City.
Habang sina Maris Racal, Rico Blanco, at Bianca Gonzales naman ang nagpabakuna sa Ateneo de Manila University sa Quezon City.
Nagpapasalamat naman si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa mga artistang nagpapabakuna, gayung ang pagpapaturok ng mga ito ay nakakahikayat rin sa publiko na magpabakuna kontra COVID-19.
Tiwala rin si Cayetano na makakamit ng NCR ang target ng gobyerno na mabakunahan ang 70% ng populasyon nito pagsapit ng Disyembre.
Ayon kay COVID-19 Chief Implementer and Testing Czar Vince Dizon, na dumating rin sa Vaccination Site sa Taguig, na oras na mabakunahan na ang mayorya ng populasyon sa bansa ay posible nang buksan ang mga sinehan.
Pabor rin si Cayetano sa unti-unting pagluluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila upang masanay na ang publiko sa new normal.
Patuloy namang hinihikayat ni Cayetano ang publiko, mapabilang man sa A4 list o hindi na magpabakuna kontra COVID-19 upang tuluyan nang malabanan ang COVID-19 pandemic sa bansa.