HPCMU News Release No.083
June 11, 2021
Inilahad ni Division Chief, Dr. Amelia Medina ng Local Health Support Division (LSHD) ng Metro Manila Center for Health Development ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga A4 priority group sa programang Caritas News On the Go.
Paliwanag niya, na ang mga kabilang sa A4 priority group ay ang mga empleyado na namamasukan sa ilalim ng private sector kasama ang mga informal sectors. Dagdag niya sa usaping ito, na nagsimula na rin magbakuna sa mga A4 priority group ang mga lugar na kabilang sa NCR + 8 tulad ng Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao.
Ang pagsisimula ng pagbabakuna sa A4 priority group ay inilunsad upang maprotektahan ang ating mga manggagawa na tambad din sa panganib na dala ng COVID-19 dahil sa uri ng kanilang trabaho, paliwanag ni Dr. Medina. Binigyang diin din niya na para masabing kabilang ang isang indibidwal sa A4 priority group, maaari silang magdala ng company ID o certificate of eligibility. Para naman sa mga informal sectors, maaaring makipag-ugnayan ang kanilang organisasyon sa kanilang lokal na pamahalaan upang makapagrehistro.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbabakuna sa priority group A1, A2 at A3 kasabay ng pagbabakuna sa A4 priority group. Inaasahan na lalo pang tataas ang bilang ng mga nabakunahan sa pagdating ng iba pang supply ng bakuna sa bansa.
Sa pagtatapos, ay muling hinikayat ni Dr. Medina na sumunod pa rin sa minimum health standards ang publiko at magparehistro upang mabakunahan para sa dagdag na proteksyon sa sakit na COVID-19.