LATEST NEWS

PRIORITY GROUP A4, OPISYAL NANG MABABAKUNAHAN

 

HPCMU News Release No.079
June 07, 2021

Inilunsad sa SM Mall of Asia, Ground Floor, Central Atrium sa Lungsod ng Pasay ang makabuluhang programa na NCR+8 Commitment Ceremony at Symbolic Vaccination ng priority group A4 ngayong araw, Hunyo 7.

Pinangunahan ni Secretary Fancisco T. Duque III at ng iba pang kawani ng Department of Health (DOH) ang paglulunsad at opisyal na pagbabakuna sa mga mga indibidwal na kabilang sa A4 priority group.

Nakiisa rin sina Sec. Ramon Lopez, Sec. Silvestre Bello, Presidential Spokesperson Harry Roque, Sen. Christopher Lawrence “Bong”Go, Sec. Carlito Galvez at Sec. Vince Dizon sa pakikipagtulungan nina Mr. Steven Tan ng SM Super Malls, Mr. Paolo Boromeo ng Ayala Healthcare Holdings Inc., Mr. Jeffrey Lim at Mr. Hans Sy ng SM Prime.

Sa kalagitnaan ng programa, malugod na nanumpa ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa ginanap na Commitment Ceremony. Nangako silang susuporta at makikiisa sa pagbabakuna para labanan ang COVID-19.

Dumalo din sa paglulunsad si Pangulong Rodrigo Roa Duterte via Zoom at nag-iwan ng isang mensahe, sinabi niya na maaasahang patuloy na magbibigay ng tulong ang pamahalaan para mas mapabilis at maayos ang pagpapatupad ng vaccination rollout sa lahat ng A4 workers o mga economic frontliners na nagtatrabaho sa gitna ng pandemya.

Sa pagtatapos, nabakunahan ang 50 indibidwal na kabilang sa sektor ng turismo, transportasyon, edukasyon, mass media, service crews at business process outsourcing industry.