LATEST NEWS

DIR. BALBOA, NAGPAALALA UKOL SA PAGPAPABAKUNA LABAN SA COVID-19

 

HPCMU News Release No.064
May 11, 2021

Nagbigay ng mahalagang paalala sa publiko si Dr. Gloria J. Balboa, Director ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development patungkol sa pagbabakuna laban sa COVID-19.

Sa panayam ngayon ni Mr. Wej Cudiamat, News Anchor ng Pambansang Almusal, ang pang-umagang programang balitaan ng Net 25 ng Eagle Broadcasting Corporation, pinaalalahanan ni Dir. Balboa ang mga indibidwal na may agam-agam o pag-aalinlangan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 dahil sa maaaring side effects nito. Ayon kay Dir. Balboa, natural na may pag-aalinlangan sa pagpapabakuna dahil maaaring makaranas ng side effects mula sa bakuna. Pinaalam ni Dir. Balboa na sa mga vaccination sites ay may nilaaan na lugar para sa post vaccination monitoring upang mabigyan ng agarang lunas at tamang instruksyon ang indibidwal na nakararanas ng side effect matapos mabakunahan. Dinagdag pa niya na mahalagang obserbahan ang sarili at kumonsulta kaagad sa doktor kung may nararanasang anumang side effect at mas marami pa ring benepisyong mabibigay ang pagpapabakuna kumpara sa side effects nito.

Pinaliwanag pa ni Dir. Balboa na hindi garantiya na hindi na magkaka-COVID-19 ang isang tao na nabakunahan na subalit kung magkaroon man siya ng karamdaman na ito ay hindi na ito magiging malala. Mahalaga rin, ayon kay Dir. Balboa, na kumpletuhin ang dose ng bakuna at sundin ang tamang interbal para sa ikalawang dose ng pagbakuna at huwag nang i-delay pa ito.

Dapat din na sumunod at isagawa ang Minimum Public Health Standards na ipinatutupad ng gobyerno alinsunod sa payo ng mga eksperto gaya ng wastong pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas at pag-sanitize ng mga kamay at social distancing, paalala ni Dir. Balboa.

Ayon pa rin kay Dir, Balboa, maaaring magpabakuna ang mga buntis sa kanilang second o third trimester ng pagbubuntis. Gayunman, tuluy-tuloy ang pag-aaral patungkol sa pagbabakuna sa mga bata.

Bago matapos ang panayam kay Mr. Cudiamat, hinikayat ni Dir. Balboa na tangkilikin natin ang mga bakunang mayroon o maaari para sa atin lalo na kung tayo ay angkop naman para sa bakuna.