HPCMU News Release No. 063
May 11, 2021
Nagsagawa ng simulation activity ang World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH) sa Lakeshore Vaccination Hub upang makita kung maaring pagbabaan ng bakunang Pfizer-BioNTech mula sa bansang Germany.
Sinuri at tiningnang mabuti nila Director Napoleon Arevalo ng Field Implementation and Coordination Team (FICT), Ms. Rowena Capistrano ng WHO, Director Gloria Balboa, Asst. Director Maria Paz Corrales at Dr. Amelia Medina ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ang bawat prosesong ginagawa sa Lakeshore Vaccination Hub maging ang pagdadala ng bakuna mula sa Orca Cold Chain Solution hanggang sa makarating ito sa mismong vaccination area.
Sinigurado ng vaccination team na ang mga bakunang ibababa sa Orca ay kayang mapanatili ang - 70°Celsius na temperatura ng Pfizer-BioNTech vaccines at makararating sa Lakeshore Vaccination Hub ng tama at hindi bababa ang temperatura ng bakuna.
Naging maayos at tama ang prosesong ginawa ng mga tauhang naka-assign sa vaccination hub. Ipinakita rin kung paano ibabakuna ang Pfizer-BioNTech ng tama at epektibo sa mga tatanggap nito. Inaasahang makapagbabakuna ng mahigit 400 na tao kada araw ang nasabing vaccination hub.
Sa pagtatapos ng pagsusuri, ang mga kinatawan ng DOH at WHO ay natuwa sa kanilang nakitang proseso na ginawa ng Taguig City vaccination team.