LATEST NEWS

SM MOA, BINUKSAN SA PUBLIKO AT TINAGURIANG GIGA VACCINATION CENTER

 

HPCMU News Release No.062
May 7, 2021

Binuksan sa publiko ang isa sa pinakamalaking vaccination center sa bansa sa lungsod ng Pasay. Dumagsa ang 500 mga senior citizens na babakunahan sa SM Mall of Asia (MOA) Galeon Dome, Seaside Boulevard ngayong araw, Mayo 7.

Pinangunahan ng mga tauhan ng Department of Health (DOH), Sec. Francisco T. Duque III, Asec. Elmer G. Punzalan, Dir. Gloria J. Balboa, Asst. Director Maria Paz P. Corrales kasama ang Presidential Spokesperson Sec. Herminio “Harry” Roque Jr., Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Usec. Jose Arturo S. Garcia Jr., Mayor ng Pasay Hon. Imelda Calixto-Rubiano, maging ang ka-partner ng national at local government ang presidente ng SM Supermalls na si Mr. Steven Tan, ang presidente ng National University, Dr. Renato Carlos H. Ermita Jr., at ang iba pang mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan ay dumalo at sumuporta sa pagbubukas ng Giga Vaccination Center.

Lubos na nagpasalamat si Sec. Duque at si Mayor Calixto-Rubiano sa presidente ng SM Supermalls sa patuloy na pag-suporta sa bakunahan at sa pagbubukas ng isa sa pinaka-malaking vaccination center na makakatulong sa mabilis at malawakang pagbabakuna lalo na sa lungsod ng Pasay. Patuloy pa ring pinaaalahanan ni Sec. Duque ang lahat na sundin ang minimum public health standards kahit nabakunahan na.
Ipinaalam naman ni Mr. Tan ang pina-planong proyekto na magtayo ng isa pang mas malaking vaccination center sa Pilipinas na may kakayanang tumanggap ng mahigit 2,000 mga tao na maaaring mabakunahan kada araw kasama niya ang iba’t ibang ka-partner mula sa national at local government sa proyektong ito.

Ang bakunahan ay patuloy pa ring isinasagawa sa lahat ng mga senior citizen na dumagsa at bukas pa rin sa mga nagnanais na mabakunahan at maging protektado sa mga susunod pang mga araw.